Saturday, December 18, 2010

Ang surot, mabuti lang pag may kailangan?

Gabi. Nagsimula ng lumamig. Dama ko ang pagtayo ng balahibo sa bawat hagod ng hanging medyo mamasa-masa. Dagli kong pininid ang bintana. Ilang sandali pa’y tila may sumuntok sa’kin, ah… antok lang pala. ‘Di ko namalayang bumulagta na ako sa sahig. Mula sa pagkakahimbing, may sira-ulong umantala at humawi ng aking panaginip. Sumasabit saking pandinig ang malambing na panunuyo niya, tanda ng siya ay papalapit upang magsamantala. Napabulalas ako sa sakit. Mahapdi na makati-kati! Kainis. Ako’y bumangon at siniga ang suga. Naaninaw ko siya, ngunit huli na, nakaalis na ng bongga! Kagigil. Ang sarap sarap sarap sarap saraaap niyang tirisin. Pasalamat siya’t bangag ako. Pero hindi makatarungan ‘yun. Di man lang ako nakapaghimagsik. ‘di bale, bukas makikita mo.


Maya-maya’y dumaan na si kamatayan sa halip na isang magandang anghel upang ako ay sunduin. Nagunita kong muli ang lintik na iyon. Kung hindi sana ako nagising, malamang magkasama na kami ng aking minumutya. Hai… nakapanghihinayang. Hindi na ako nakatulog ng maayos. Ganon na nga ang nangyari. Imbes na ipikit ang mga mata, minatiyagan kong maigi ang lapastangang surot. Makaraan pa ang ilang paghihintay, sa wakas! narito na siya. At nang akmang papapakin na niya ang kaliwa kong pisngi, tinampal ko agad ang mokong, gamit ang aking palad na nagpupuyos sa galit. Ika’y nasumpungan. Hayon ka’t duguan. Doon ko naulinigan, wari’y nagising sa katotohanan. Marami sa ating mga Pilipino ang katulad ng surot, sa isip man o sa diwa. ‘ Yan ang isa sa mga kaugaliang ibig kong sugpuin. Ika nga, “mabuti lang pag may kailangan.”


Naalala ko, ganun din pala ang iba sa aking mga kaibigan. Kabisado ko na nga kung kalian sila lalapit eh. Una; pag may maririnig kang napakalamya at banayad na tinig na animo’y nakapagpapaindayog ng mga halaman sa sobrang kagalakan maging sa paraan ng pagbanggit ng iyong pangalan. Nakakapangilabot at nakakapanibago ngunit hindi sa tulad kong sanay na. Ikalawa; mapapa-isip kayo kung bakit ganon na lamang ang kanyang ikinikilios at pag minasdan mo ang mala-buwaya niyang mata na animo’y nagmamakaawa, alam mo na ang ibig ipakahulugan nito – siya ay may ipakikiusap, sa madaling salita ang surot, mabuti lang pag may kailangan.


Ako’y naninimdim. Sino’ng aking pagkakatiwalaan gayong lahat sila’y tumalilis nung ako’y nasa panahon ng kawalan. Haggang kelan magmamatigas sa sarili na kaya kong mamuhay ng walang karamay? Anong pangalan ang hihirangin kong “matalik na kaibigan” gayong nagtagumpay na sila sa kanilang pakay dahilan upang ako’y iwan at sarilihin ang mundong bagaman kaaya-aya sa paningin, puno ng hapis ang aking daing.


Inaalagata kong nawa’y lisanin na tayo ng pangit na kapamaraanang ‘to bago pa man dumating ang susunod na salin-lahi. Oo nga’t hindi kasamaan ang umasa hangga’t alam mo ang limitasyong pinupundar ng taong napakabuti sayo. Sila din ay may pangangailangan at pinagsisikapang matugunan ito.


Labag man sa loob kong isiwalat ito, ngunit marapat lamang na gawin ko. Wag kayong mangamba, hindi ko kayo tatanungin pa kung sinoman sa inyo ang katulad niya… pagkat ‘di naman ninyo ipagtatapat. Alam kong ikakaila niyo. Isa ka ngang Pilipino! Tatak pinoy!


Tutal naman kinilala na ang bagong pinuno ng ating bayan, bakit hindi natin ipasama ang yaong pag-uugali sa isang lamo at ipaanod sa ilog ng masasamang panaginip kalangkap ng babaeng may nunal?

No comments: