Wednesday, March 10, 2010

Pagsusuri sa pinanood na dulang Noli Me Tangere

Sa pananakop ng mga Kastila, karamihan sa mga panitikang nalikha ay may diwang rebolusyonaryo at nagbukas sa kamalayang Pilipino sa di-makataong pagtrato ng mga dayuhan at nag-udyok sa kanila na kalabanin ang pamahalaan.

Sanhi nang labis na pang-aalipin at masidhing diskriminasyon, nagsilunsad ng mga kilusan ang iilang Pilipinong hindi sang-ayon sa pamamalakad ng mga Prayle. Nagsisulat ang ilan nating kababayan na may-malasakit sa kahirapang dinaranas ng ating tinubuan, gayundin ang Babae at Ina sa likod ng paghihinagpis ng ating bayan. Ngunit hindi ito naging madali para sa kanila. Ipinagbawal noon ang mga kasulatan o kahit na anung paraan na sa tingin nila’y lumilihis ayon sa kanilang mga layunin at kagustuhan. Ang sinoman ang lumabag sa kautusan ay ipinapapatay.

Dahil sa bantang ito, nagsitago ang mga manunulat sa ilalim ng iba’t-ibang sagisag-panulat o hiroglifico upang maprotektahan ang sarili laban sa mapang-alipustang Kastila at upang patuloy na mailarawan sa mga susunod na salin-lahi ang naging paghihirap ng mga Pilipino noon alang-alang sa pagtatamo ng kalayaan. Ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal ang may-akda ng nobelang Noli Me Tangere na unang nailimbag at nalathala sa Espanya at naging mitsa sa mga Pilipino upang mag-aklas laban sa maling paggamit ng mga Kastila sa kapangyarihan.

Noong ika-28 ng Pebrero sa kasalukuyang taon, ginanap ang teatrikong bersyon ng Noli Me Tangere sa Puerto Princesa City Coliseum na dinaluhan ng mga sikat na artista ng GMA 7. Sa pagsisimula ng pagtatanghal, isa-isang lumabas ang mga cast mula sa stage upang maipahiwatig sa mga manonood ang kani-kanilang karakter na gagampanan ayon sa orihinal na tauhan sa nobela.

Naging kakaiba naman ang hangin sa pagpasok ng mag-asawang EspadaƱa dahil sa palagiang pagbaling ng galit ng Donya sa kanyang asawa. Nakakatuwa din ang bawat paghalakhak ng Senyora na agaw-atensyon sa lahat. Nananalaytay sa kanyang mga litid ang pagiging Pilipino, subalit kung inyo siyang pagmamasdan, tila ba’y pinutol ang ugat na dinadaluyan ng kanyang sariling lahi, tanda ng pagtalikod niya rito at pag-akap sa ibang kultura.

Samantala, hindi matatawaran ang iniwang kurot sa puso ng mga manonood ng isang ina na nawalan ng mga anak at nilayasan pa ng sariling katinuan. Banaag sa mga mata nila ang pagkahabag kay Sisa, gayon pa man ang awang ito ay sandaling napapalitan ng saya sa bawat nakakatawang eksenang ipinamamalas ni Sisa bilang isang baliw. Maihahalintulad natin siya sa isang mutya na kumakatawan sa ating bayang tinalikuran ng sariling dangal at nilamon ng putik ng kahihiyan.

Naging kapana-panabik at kaabang-abang ang mga sumunod na pangyayari, ngunit ang mas lalong sinubaybayan ng aking paningin ay ang pilotong si Elias. Siya ang tumulong kay Ibarra na makatakas mula sa piitan ng kasinungalingan. Tila isa siyang bitwin na bahagyang nagpukol ng ilaw sa madilim na mundo ng mga sawimpalad. Ngunit ito’y kagyat na nagmaliw—sapat nang maukit sa isipan ng darating na henerasyon ang mga Pilipinong handang italaga ang kanilang buhay alang-alang sa pagtatamo ng kalayaan.

Ilan lamang ito sa mga tauhan sa nobela na lubos pumukaw ng aking ulirat. Nakalulungkot isipin na maraming buhay ang nasawi at hindi nabigyan ng pagkakataong masilayan ang isang umagang hitik na hitik sa pag-asa. At ang alimuom na namumuo at nagiging munting patak galing sa mga luntiang dahon ay dahan-dahang babagsak pababa sa tigang na lupa at nagiging isang masaganang lupain.
Si Rizal ay hindi isang sundalo na handang makipagbunong kapag may digmaan, isa lamang siyang ordinaryong Pilipino na batid ang hilahil ng ating bayan. Masasabi natin na siya’y magiting sapagkat buong tapang niyang sinulat ang nobelang Noli Me Tangere kahit na ito’y mahigpit na pinagbabawalan ng mga kastila. Sinulat niya ito upang mamulat ang mga Pilipinong nagbulag-bulagan sa katotohanang nagyayari sa pailid.

Sa pagtatapos ng programa, napakarami kong natutuhan. Hindi ko na dapat isa-isahin pa, bagkus ngayon, MAMAHALIN KO ITONG BAYAN, PAPAHALAGAHAN, IINGATAN AT ITUTURING ISANG YAMAN.

3 comments:

Anonymous said...

salamat sa pag post nito. project din kasi nmn ito sa filipino. salamat!! =)

rochelle^^ said...

hahahahahaha! project XD

Anonymous said...

Walang anuman. :D