Saturday, December 18, 2010

Pulis Patola at Your Service?



Sa mundong ginagalawan natin, ang equality o pagkakapantay-pantay ng bawat mamamayan ay pinangangalagaan ng babaeng nakapinid ang mga mata at may hawak na espada sa kanang kamay at timbangan na tanda ng Impartiality o walang pagkiling kaninuman sa bandang kaliwa. Ang katuparan ng layuning ito ay pinagtitibay alinsunod sa mga batas na ipinatutupad ng Komisyon sa Karapatang Pantao upang matiyak na naisasaalang-alang ang karapatan ng bawat indibidwal. Lahat tayo’y pantay-pantay na hinubog, may karapatan at kani-kanyang responsibilidad ngunit paano na kung maging ang itinalagang puwersa ng pambansang seguridad ay siya mismong ‘promotor’ ng karahasan?


Ang karahasan

Ito ay sanhi ng mga sigalot na dulot ng iringan sa pagitan ng magkaibang panig, isang halimbawa ang palihim na bangayan ng mga opisyales sa gobyerno. Ang talamak na pagnanakaw sa kaban ng bayan ay nagdadala ng matinding gutom. Pinapatay nito ang moralidad ‘pagkat sa halip na pagmamahal ang namamayani, ‘survival instincts’ ang pinaiiral ng isip. Ang pang-aabuso sa mga kababaihan ay dahilan upang bumaba ang tingin sa kanila ng mamamayan. Patayan dito, nakawan doon: Suliranin din ang kahirapan kung kaya’t patok na patok ang krimen sa lansangan. Nakadagdag pa ang umiigting na giyera sa Mindanao upang putungan ng korona bilang numero unong bansa na may kaakibat na sumpa ng karahasan ang Pilipinas.


Ang matuwid

Hindi birong italaga ang sariling buhay para sa tinubuan. Tulad ng guro, ang pulis ay may influencial role na nakaaapekto sa pangkalahatang kaligtasan ng isang pamayanan. Sila ang nagsisilbing pananggalang sa anumang sakuna hatid ng mga kaguluhan. Sila rin ang nakikipagbuno sa mga barbarong tumataliwas sa batas. Pati ang relasyon nila sa pamilya’y pansamantalang tinatalikdan upang dinggin ang saklolo ng mga biktima. Ngunit ngayon, ano na marahil ang sitwasyon ng pulisya?

Katuwira’y limot na
Kung hindi ninyo nababatid samu’t saring gulo ang kinasasangkutan ng mga naturingang alagad ng batas. Tulad na lamang ng ‘di makataong pagtrato sa napabalitang suspek na namatay isang araw matapos itong parusahan. Pilit nagmamakaawa subalit ang bawat daing na isinasalin sa kanyang sigaw ay tinutumbasan ng matagal na pagpapahirap. Nailathala rin sa telebisyon ang ‘di umano mga armadong pulis habang ibinabandera ang katawan ng kaawa-awang mangingisda na ang hangad sana’y kumita ng barya. Nasaan ang katarungan sa kanilang hangarin?


Ano sa palagay mo?

Idilat mo ang iyong mga mata. Pagmasdan mo ang iyong paligid. Iyan ba ang dapat mong matamo–ang kakulangan sa karapatang panseguridad? Nanaisin mo bang manirahan sa bansang walang kadalisayan? Kailan pa matitigil ang lahat ng karahasan? Aabangan na lang ba nating mabuhay si ‘Darna’ mula sa pahina ng komiks bilang ating tagapagligtas? Nasaan yaong batas? Hindi ba’t nasa kamay ng mga pulis? Paano na ang ating bayan kung puno ng pagmamalinis? Nasaan ang hustisya? Sa silong ba ng bahay ni hepe? Nasa inyo ang paglilinaw. Sa ating mga kamay magsisimula ang katarungang hindi kayang ibigay ng Pamahalaan o ng kung sinuman. Tayo ang nagtatakda ng mga kilos. Tayo rin ang babalikan ng karma, o ng ‘konsensya’ kung baga.

Ang surot, mabuti lang pag may kailangan?

Gabi. Nagsimula ng lumamig. Dama ko ang pagtayo ng balahibo sa bawat hagod ng hanging medyo mamasa-masa. Dagli kong pininid ang bintana. Ilang sandali pa’y tila may sumuntok sa’kin, ah… antok lang pala. ‘Di ko namalayang bumulagta na ako sa sahig. Mula sa pagkakahimbing, may sira-ulong umantala at humawi ng aking panaginip. Sumasabit saking pandinig ang malambing na panunuyo niya, tanda ng siya ay papalapit upang magsamantala. Napabulalas ako sa sakit. Mahapdi na makati-kati! Kainis. Ako’y bumangon at siniga ang suga. Naaninaw ko siya, ngunit huli na, nakaalis na ng bongga! Kagigil. Ang sarap sarap sarap sarap saraaap niyang tirisin. Pasalamat siya’t bangag ako. Pero hindi makatarungan ‘yun. Di man lang ako nakapaghimagsik. ‘di bale, bukas makikita mo.


Maya-maya’y dumaan na si kamatayan sa halip na isang magandang anghel upang ako ay sunduin. Nagunita kong muli ang lintik na iyon. Kung hindi sana ako nagising, malamang magkasama na kami ng aking minumutya. Hai… nakapanghihinayang. Hindi na ako nakatulog ng maayos. Ganon na nga ang nangyari. Imbes na ipikit ang mga mata, minatiyagan kong maigi ang lapastangang surot. Makaraan pa ang ilang paghihintay, sa wakas! narito na siya. At nang akmang papapakin na niya ang kaliwa kong pisngi, tinampal ko agad ang mokong, gamit ang aking palad na nagpupuyos sa galit. Ika’y nasumpungan. Hayon ka’t duguan. Doon ko naulinigan, wari’y nagising sa katotohanan. Marami sa ating mga Pilipino ang katulad ng surot, sa isip man o sa diwa. ‘ Yan ang isa sa mga kaugaliang ibig kong sugpuin. Ika nga, “mabuti lang pag may kailangan.”


Naalala ko, ganun din pala ang iba sa aking mga kaibigan. Kabisado ko na nga kung kalian sila lalapit eh. Una; pag may maririnig kang napakalamya at banayad na tinig na animo’y nakapagpapaindayog ng mga halaman sa sobrang kagalakan maging sa paraan ng pagbanggit ng iyong pangalan. Nakakapangilabot at nakakapanibago ngunit hindi sa tulad kong sanay na. Ikalawa; mapapa-isip kayo kung bakit ganon na lamang ang kanyang ikinikilios at pag minasdan mo ang mala-buwaya niyang mata na animo’y nagmamakaawa, alam mo na ang ibig ipakahulugan nito – siya ay may ipakikiusap, sa madaling salita ang surot, mabuti lang pag may kailangan.


Ako’y naninimdim. Sino’ng aking pagkakatiwalaan gayong lahat sila’y tumalilis nung ako’y nasa panahon ng kawalan. Haggang kelan magmamatigas sa sarili na kaya kong mamuhay ng walang karamay? Anong pangalan ang hihirangin kong “matalik na kaibigan” gayong nagtagumpay na sila sa kanilang pakay dahilan upang ako’y iwan at sarilihin ang mundong bagaman kaaya-aya sa paningin, puno ng hapis ang aking daing.


Inaalagata kong nawa’y lisanin na tayo ng pangit na kapamaraanang ‘to bago pa man dumating ang susunod na salin-lahi. Oo nga’t hindi kasamaan ang umasa hangga’t alam mo ang limitasyong pinupundar ng taong napakabuti sayo. Sila din ay may pangangailangan at pinagsisikapang matugunan ito.


Labag man sa loob kong isiwalat ito, ngunit marapat lamang na gawin ko. Wag kayong mangamba, hindi ko kayo tatanungin pa kung sinoman sa inyo ang katulad niya… pagkat ‘di naman ninyo ipagtatapat. Alam kong ikakaila niyo. Isa ka ngang Pilipino! Tatak pinoy!


Tutal naman kinilala na ang bagong pinuno ng ating bayan, bakit hindi natin ipasama ang yaong pag-uugali sa isang lamo at ipaanod sa ilog ng masasamang panaginip kalangkap ng babaeng may nunal?

Tuesday, April 6, 2010

Ang natitirang malinis sa paligid kong nanghihimahid sa putik

Na kanino ang lunas na iniwan ng Pilosopong si Tasyo bago tayo lisanin at sarilihin ang Epidemyang kasalukuyang namiminsala sa ating bansa? - Hihintayin na nga lang ba nating mabuhay si Kapitan Sino at lumabas mula sa mga pahinang nilikha ni Bob Ong?

Ang totoo niyan, ang gamot na nais niyang tukuyin ay pinanghahawakan ng bawat isa. Isang lunas na mabisang pamuksa laban sa malaganap na sakit.

Kapag pinagsama-sama ang mga 'to, kayang paghilumin ang lalim ng sugat na sagad hanggang buto. Gamitin natin sa mabuti ang kapangyarihan nito. Ngunit kung hahayaan lamang itong masira, ang mundo ang mas lalong mapipinsala.

Tayong langkay ng kabataan, na sa ating mga marurungis na palad ang tanging lunas na hindi nabigyan ng pagkakataong maipahid ng mga bayani noon sa umaalimpuyong sugat ng bayan.. Wag na nating hayaan pang isang araw, ang kaluluwang balot ng hapis at pagsisisi ang sasapi sa 'ting mga nangahihimlay na puntod.

Kung iyong lilimiin, ikaw, bagaman alitaptap na ga-binlid ang sulo, ay maaaring maging ilaw-dagitab sa ilalim ng sinapupunan ng gabi.

"Tila isa kang tandis na nagsisilab ng sulo patungo sa dulo ng karimarimarim na putikang ating kinasasadlakan.., ito ang panahong kailangan nating makita ang pagkakapit-diwa ng mga ulap, bituin, at dagat"